Search

Francis Rubio

Ang Gurang na Bading sa Valentine's Day

Literature

Kanina, bumili ako ng dalawang bote ng soya milk na strawberry flavor sa 7-Eleven. Dahil nga araw ng mga puso, inasahan ko na ang hagikhikan ng mga babaeng tumanggap ng bulaklak mula sa mga lalaking bumihag sa kanilang mga puso o nagbabalak bumihag nito. Nagagayakan ng pula ang buong tindahan. Pagkakataon na lang na kulay ng kabaklaan ang iniinom ko; dyahe nga naman ding uminom ng hilaw na strawberry para lang hindi maging kakulay ng Valentine’s.

Nang makaubos ako ng isang bote, niligpit ko na ang gamit ko at lumabas sa pinto. Sa di-inaasahan ay pinagbuksan ako ng isang lalaking papasók din sa gusali. May mahaba siyang buhok, makisig na katawan, at kutis na simputi ng sungay ng elepante. Malasibuyas ang balat niya anupat nakikita ang asul ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo mula sa kanyang puso. Nagtama ang mga mata namin. Sinubukan kong umiwas ng tingin ngunit huli na ang lahat dahil namasdan ko siyang nakangiti sa akin.

Kumislap ang mga ilaw, kahit na ang mga pailaw sa lansangan. Mata niya lamang ang aking nakikita, at ang pangungusap nitong hagkan ko siya nang mahigpit nang sa wakas ay magtagpo na kaming magkasintahan. Hinawakan niya ang kamay ko nang walang kasinghigpit; para bang nagbabayad-utang ng yakap para sa mga taóng hindi kami magkakilala. Inilibot niya ako sa buong tindahan at bumili ng tig-iisang piraso ng bawat tsokolate at minatamis. Nagbayad siya sa kahera, at sa di-ko-mawaring-paano ay naglabas ng kahong may ribbon at inilagay doon ang lahat ng pinamili.

Dinala niya ako sa labas, sa paradahan, at pinagbuksan ng pinto sa kanyang sasakyan. Isinakay niya ako sa tabi niya kapag magmamaneho. Kinuha niya ang lahat kong gamit at inilagay sa likuran ng tsikot. Inikot niya ang manibela at ipinihit ang mga gulong, at hindi ko namamalayan ay umaarangkada na kami patungo sa isang kainan. Iniupo niya ako sa mesang puno na ng pagkain. Inaya niya akong kumain, at sa pana-panaho’y sinusubuan ng pagkain niya para malasahan ko rin.

Sa kahuli-hulihan, ipinagmaneho niya ako pauwi. Siya pa ang nagbukas ng pinto ng aming bahay at nagmano pa sa aking nanay. Inaya ko siyang pumasok para man lamang makainom ng tubig ngunit mariin na siyang tumanggi. Tatawagan niya kamo ako sa kaniyang pag-uwi. Kinawayan ko siya habang papasók siya sa kotse, at binigyan naman niya ako ng flying kiss at isang napakapoging kindat bago isinara ang pinto at umabante pauwi. Hindi na lamang nakalimbag kundi nakaukit na ang ngiti sa aking labi, at tinanggap ko nang dadalhin ko ito hanggang bukas nang umaga paggising.

“Excuse me ho, Tatay, makikiraan po. Medyo nakaharang ho kayo”

Sa pagbabalik ng aking isipan sa realidad, umimi ako ng isang tipid na ngiti, na para bang sinasabing “mauna ka nang pumasok, susunod ang aking paglabas.” Lumakad ako na parang walang nangyari, tumawid sa highway habang binubulay ang lahat ng aking mga araw. Apatnapung taon na ako, ngunit heto, ako’y walang kasing bading at salat sa yakap at halik. Lumipas na ang aking araw, at paubos na rin ang aking mga taon. Ilan pa kayang mga gaya ko ang tatanda’t mamamatay nang walang danas sa kagandahan at kainaman at kagalakan ng pag-ibig ng isang lalaking may tapat na hangarin at busilak na puso?

Back to top